photocredit:christianityblog.com |
Kilala niyo ba siya? Yung gwapong
lalaki, matangkad, maputi pero hindi naman ganun kaputi. Maganda yung mga mata
niya, saka may kakaibang ngiti na kapag nginitian ka hindi pwedeng hindi mo din
ngingitian. Matipuno yung katawan niya. May nakakaloko siyang tawa, at may
nakakaloko rin siyang mga kilos. Minsan kasi yung mga tawa niya, may kakaibang
landi, ganun din yung mga kilos niya. Lalaki naman siya, pero minsan,
kumekendeng siya. Ewan ko ba kung sinasadya niya lang yung mga bagay na yun o
sadyang hindi niya lang kontrolado. Kung minsan tuloy napagkakamalan siyang…
alam niyo na.
Sa totoo lang malapit kami sa
isa’t isa, kaya alam kong lalaki siya. Pero isang araw, meron balitang kumalat
na nagladlad na daw siya. Sus, hindi naman kapani-paniwala, malambot siya, oo,
pero hindi siya… alam niyo na. Pero napansin ko din yun, yung mga lakad niya,
mas naging pakendeng-kendeng. Yung mga tingin niya, madalas nakatuon sa lalaki.
Pero alam ko, lalaki pa rin siya!
Nagulat ako nung araw na may tinanong
siya, sabi niya, “Magagalit ka ba kung
sabihin ko sayong gusto kong maging babae?”. Ano ba namang klaseng tanong
yun, hindi ko naman yun ikinagulat, siguro dahil na rin sa mga inaakto niya nung
mga nagdaang araw. Pero nalungkot ako, hindi dahil sa tanong niya, kundi dahil
sa sagot ko, sabi ko, “Hindi”, may
karugtong kasi yun na hindi niya narinig, kasi sa utak ko nalang nasabi.
“Pwede”, Hindi pwede! – Yun talaga
ang gusto ko sabihin.
Tapos nun, ang lahat ng taong
nagdududa sa pagkatao niya, yung mga nag-aakalang…. alam niyo na, e nakakuha na
ng ebedensya. Mula mismo sa mga labi niya, inaamin na niya ang totoong pagkatao
niya. Pero bakit ganun? Para sakin, lalaki pa
rin siya. Kumekendeng siya, humaharot siya, pero sa mga mata ko yung totoong
pagkatao niya ang nakikita ko. Maniwala kayo, lalaki siya!
Maaring sinasabi ng iba na hindi
ko siya lubos na kilala, nagkakamali sila. Dahil ang totoo, sila ang hindi
lubos na nakakakilala sakanya. Kanya-kanya lang naman tayo ng kahinaan,
nagkataon lang na yun ang kahinaan niya. At sadya rin lang na ang tao, laging
nakatingin sa kung anong kahinaan mo. Hindi nila alam na gusto niya talaga ang
pagiging lalaki niya, yun nga lang hinuhusgahan lagi ang mga kilos, ang
pananalita, at ang buong pagkatao niya. E ano nga namang laban niya, kung halos
lahat inilulugmok siya sa kahinaan niya? Kesa lumaban at ipagtanggol ang
totoong sarili, ibinigay niya ang gusto niyong mangyari at kung anong gusto
niyo makita para matigil na ang haka-haka at mga pag-uusap sa likod niya. Pero ako
ang magsasabi sa inyong lahat, lalaki siya! Huwag niyo siyang husgahan, basta
lalaki siya. Huwag niyong itali ang isip niyo sa kung anong nakikita niyo.
Ang totoo niyan, may pagkakataong
nabasa ko ang isa sa mga status niya sa isang sikat na social web page (alam
niyo na yun). Tandang-tanda ko yun, kasi importante ang bawat salitang inilabas
niya sa post na yun. Sabi niya, “Bakit kaya ganito ang nararamdaman ko?
Akala ko wala lang kapag may kasama kang ibang lalaki pero ang totoo nagseselos
ako, pero sino ba naman ako, isa lang naman akong hamak na bestfriend ng isang
babaing mahalaga sakin. Ang tanga ko lang kasi andyan na siya, di pa siya
naging akin. Salamat at ikaw ang nagpabago sa buhay ko”. Medyo huli na
yun nung nabasa ko, mga nakalipas na ang isang buwan mula nung mai-post niya
yun. Kaya pala biglang, naging kakaiba ang tingin nila samin dalawa. Kaya pala
may mga nagtatanong kung paano daw kung manligaw siya. Akala ko, naging sobrang
malisyoso lang ang tao sa paligid namin, yun pala may pinanggagalingan naman
pala talaga. Totoo ngang walang usok, kung walang apoy.
Nung nabasa ko yun, dun naging
malinaw ang lahat. Gusto ko ipagsigawan sakanila, “Ano! Napahiya kayo no! Sabi ko naman sainyo, lalaki siya!”. At
konting pagtatama lang, wala akong binago sakanya, dahil yun naman talaga siya
simula’t sapul pa lang. Ang mga mata niyong mapanghusga ang nagtulak sakanya na
lalong kumendeng habang naglalakad. Pero alam ng Diyos, kung anong tunay na
pagkatao niya.
Pero bakit, hindi niya nagawang
sabihin sakin ng daretsyahan? Ah, alam ko na, kasi ma-pride siya. At yung
ginawa niyang pag-post ng nararamdaman niya para sakin ay isang malaking sapak na
sa pride na meron siya. Para sakanya,
sobra-sobra na yun. Alam ko yun at naiintindihan ko siya kasi magkaibigan kami.
At dahil magkaibigan nga kami, alam niyo naman siguro ang kasabihang “Birds of the
same feather flock together”. Oo, ma-pride din ako at yun ang dahilan kung
bakit hindi ko sinabi sakanya na nabasa ko ang post niya at kung ano ang tunay
kong nararamdaman para sakanya. Siguro hindi lang ako ma-pride, duwag din ako
kasi hindi ko maipaglaban kung anong nararamdaman ko para sakanya. Ayan tuloy,
hindi ko na siya makita.
Sabihin niyo, nakita niyo ba siya?
Pagnakita niyo siya, wag niyo nalang siyang husgahan, hindi siya yung inaakala
niyong… alam niyo na. Bukod kasi sa inilalagay niyo sa alanganin, e nasasaktan
niyo pa siya at kapag nasasaktan siya, nasasaktan din ako. At kung makita niyo
man siya, pakisabi bumalik na siya. Miss na miss ko na siya. Pakisabi rin na
kahit ano pa siya, mahal na mahal ko siya – ang babaing itinuturing siya bilang
matalik na kaibigan pero ang totoo, higit pa dun ang nararamdaman niya.