Monday, May 18, 2026

Kwento mo sa Pagong: Wealth, Fame, Power

Kung meron man magandang naidulot ang advancement of technology ngayon, isa siguro sa top list ko ay ang pagkakaroon ng pagkakataon makamtan ng kung sinuman ang kayamanan, katanyagan, kapangyarihan. 

Iba't ibang online platform ang nag-ooffer sa'yo ng tatlong bagay na ito, na para bang sinasabi nila "ikaw ang bahala sa trip mo, ikaw din ang gagawa ng paraan para makamtan 'yang tatlong K, basta gawa ka account sa amin".

Tumataas siguro ang kilay mo at napapatanong na bakit maganda ang tingin ko sa bagay na ito. Isa lang ang sagot, "kalayaan sa sistemang nagkukulong sa mga maliliit na tao".

Dati, kung sino lang ang gusto pasikatin ng mga producers o ng mga matataas na tao, sila lang ang binibigyan ng mga pagkakataon. Ngayon, ang daming nagsisikatan na mga bagong pangalan lalo na sa larangan ng OPM. Grabe, ang dami palang totoong talentadong Pilipino na nakakagawa ng mga ganuong klaseng awitin na madalas ay sila mismo ang sumulat. Mga makakatang mang-aawit. 

Dati, TV, Radio, at Newspaper lang ang nakakahakot ng advertisement o product endorsement, ngayon, kahit mga simpleng tao na kung tawagin ay vlogger/blogger/content creator na madadami ang followers. At take note ha, pagkakagaling din naman magsi-arte at magpatawa. At ngayon, ang mga mass media na nga mismo ang kumukuha sa kanila para makahatak ng viewers o advertisement kung paguusapan ang top reason nila.

Dati, pwede pang ikulong ng mass media sa sistemang mga malalaking tao lang ang nagpapatakbo ang creativity ng bansa. Ngayon, hindi na. May kalayaan na ang kahit sino makamtan ang tatlong K, hindi mo kailangan lumapit sa kung sino. Madalas nga ngayon, sa mga trending sa social media na kumukuha ng maipapalabas ang mass media.

Maging sa pagpapublish ng mga nobela o kwento, hindi na kailangan makipagpatintero sa "taste" ng mga publisher o pamantayan nila para ilathala ang kwentong mayroon ka. Madaming platform online na pwede maging daan para maihatid mo ito sa mga mata ng publiko. Sa wattpad lang, ang dadaming writers ang kinilalang magaganda ang kanilang mga akda. Kung hindi man pagkilala ang aim mo, kundi magbahagi lang ng kwento, madali na itong makamtan, may kalayaan kang i-post ito.

Kaya kung may mga kanta kang nais iparinig sa publiko, i-post mo sa YouTube o Spotify. Kung may art kang nais ishare, i-post mo lang. At kung tyatyagain mo, baka palarin kang makamtan ang tatlong K. At kung makamtan mo man, nawa'y gamitin mo sa tamang kalayaan.

Ganun din ang payo ko, kahit hindi mo nais makamtan ang tatlong K, ishare mo lang ang art at creativity mo, kailangan yan ng mundo o kahit sa rasong kailangan yan ng sarili mo. Binigyan na tayo ng pagkakataon na kumawala sa nagkulong na sistema sa atin nang ilang dekada sa pagpapahayag ng creativity, gamitin natin nang tama.

No comments:

Post a Comment