Wednesday, July 31, 2019

Kamusta Passion Mo?



Minsan pagod na 'ko makibahagi patungkol sa topic na 'to. Pagod na kong magbigay ng opinyon at ipalaganap na sa buhay dapat ipinaglalaban mo ang passion mo.

Kasi hindi madali. Baka gumagawa tayo ng "make believe" sa mga tao lalo na sa kabataan tapos sa huli madidismaya lang sila.

Kasi kahit ako dumating na sa puntong tinalikuran ko na yung passion ko dahil tingin ko, wala naman pinapatunguhan. Kailangan ko tumanda. Nandyan ang mga obligasyon na dapat punan; responsibilidad na dapat tugunan. Hindi na kasi tayo bata na meron gagamot ng sugat kapag nadapa; merong sasalo sa t'wing mahuhulog. Hindi ka na bata na laging inaalalayan. Kailangan mo tumayo sa sarili mong paa at para mangyari 'yun may mga bagay kang dapat bitawan katulad ng paghabol mo sa itinuturing mong passion.

Pero alam mo kung anong nakakatawa, kasi kahit sinukuan mo na ang passion mo hindi ito titigil na ipaalala sa'yo kung ano siya sa'yo at kung gaano mo siya minahal o minamahal kasi kahit tinalikuran mo na ito hindi naman ibigsabihin nun na tumigil kang mahalin ito. Kahit anong mangyari karugtong mo na ito; nasa iyo ito. Na may dahilan kung bakit inilagay ng Diyos 'yang bagay na 'yan sa puso mo. Huwag ka sana mapagod manalangin para dito dahil maniwala ka, hindi ka pababayaan ng Diyos. At sana kung hindi ka na naniniwala sa passion mo, wag ka tumigil maniwala na may plano ang Diyos sa buhay mo.

Hindi ko alam kung tama pa rin bang sabihin sa panahon ngayon na gawin mo ang passion mo. Pero ang alam ko, kahit hindi 'to sabihin manunumbalik ito sa'yo at nasa iyong desisyon kung ipaglalaban mo ito ngayon. At kahit hindi mo ito ipaglaban, manunumbalik pa din ito at nasa iyo pa din ang desisyon kung papansinin mo. Paulit-ulit itong babalik at paulit-ulit kang magdedesisyon.