“I am confident, but i still have my moments, baby.. that's just me. I'm not a super – “ Iyan ang nakakairitang kanta na gamit kong ringtone sa alarm ng cellphone ko. Effective naman, napapabangon talaga ako kagad para lang patayin ang tunog. Kaya lang, babalik ulit ako sa pagkakahiga, at magugulantang nalang sa makikiatang oras sa muling pagmulat ng mata.
Maliligo, magbibihis, mag-aayos at hindi na magagawang kumain dahil late na. Magmamadali sa paglalakad, at may mga taong mababangga. Mag-aabang ng sasakyan, pero lahat ng jeep puno. Kung kelan ka nga naman nagmamadali, dun pa walang masakyan. Ang aga-aga pawisan na ako, dahil kinailangan ko pang pumila ng halos isang kilometrong layo para lang makasakay sa jeep.
Pagdating ng opis, late at ni-hindi magawang ngumiti. Haggard na mainit pa ang ulo. At may madadamay nanaman sa dreadful journey ng umaga ko. Maya-maya lang, may matatarayan ako.
Ganyan lagi ang nangyayari sakin nitong mga nakaraang araw. Syempre, badtrip yun! At oo, ang aga-aga, stress kaagad ako. Pero sino bang sisihin ko? Yung alarm clock? Kahit na ginawa naman niya ang parte niya?
Aminin niyo man o hindi, katulad ko, kapag merong kapalpakang nangyayari, hahanap at hahanap kayo ng isang bagay na masisisi maliban sa sarili niyo.
Sige isisi natin ang lahat sa maling sistema, sa gobyerno, sa buhol-buhol na trapik, sa kakaunting jeep, sa babaeng nakabangga mo sa daan, sa aso na tumatahol, sa chewing gum na dumikit sa pantalon mo, sa pusang itim na nakatingin sayo. Sige lang, isisi natin ang mga nangyayaring kapalpakan sa kaninoman at anuman. Pero sa huli, hindi naman natin maloloko ang sarili natin. Dahil sa likod ng kaibuturan ng ating pag-iisip alam natin na resulta lang ang mga ito ng maling desisyon natin. Pero dahil sa kagustuhan nating gumaan ang ating loob, pinapaniwala nating maging ang ating sarili na wala talaga tayong pagkakamali, dahil nga may maling sistema, may mali sa pamamalakad ng gobyerno, may trapik at kung ano-ano pa.
Libre lang naman ang manisi at hindi naman ito bawal. Pero naisip ko lang, hindi ba’t mas nakakagaan ng loob kung pag-iisipan natin ang puno’t dulo ng pangyayari; kung bakit may ganung resulta; kung paano maiiwasang mangyari ulit ang kapalpakang nangyari.
At sa maniwala kayo’t hindi, kahit gaano niyo ipaligoy-ligoy ang sisi, sa huli sarili mo lang ang puno’t dulo. Bakit hindi nalang natin tanggapin at gamitin iyon para lumago at matuto?
Oo, libre lang manisi. Pero kahit gaano ka manisi at kahit gaano pa karami ang iyong sinisisi, hindi ka uunlad dito.
No comments:
Post a Comment