Thursday, July 26, 2012

Maling Akala

Naranasan mo na bang masampal ng maling akala? Yung tipong siguradung-sigurado ka sa paniniwala mo sa isang bagay, tapos sa isang iglap ng pagkakataon, masasampal ka ng katotohanang mali pala ang inaakala mong paniniwala. Napahiya ka. Ang mas masakit pa nito, napahiya ka hindi lang sa sarili mo kundi pati sa mga taong napaniwala mo din ng iyong maling akala.


Sa loob ng dalawampu’t dalawang taon ko dito sa mundo at labinlimang taon na may muwang sa mundo, iba’t ibang klase na siguro ng maling akala ang naranasan ko. Iba-iba rin ng paraan ng pagkapahiya. Pero alam ko, at sigurado ako na hindi lang ako ang biktima ng mga maling akalang pinaniwalaan ko. Kahit ipusta ko pa ang boyfriend ko, alam ko na maging ikaw na nagbabasa nito, naranasan na ang mga bagay na nakalista sa ibaba. Kaya ipusta ko man ang pinakamamahal kong tao, ako pa rin naman ang mananalo.

Mga nakakatawang maling akala, kung minsan, masakit din. Pero tawanan nalang natin ang katangahang pinagdaanan natin sa sa mga maling akala na ‘to. Alin kaya dito ang totoong naranasan mo?

  1. Akala mo may kausap ka pa, yun pala mag-isa ka ng naglalakad.
  • Ito na siguro ang pinaka palasak na maling-akala, yung naglalakad sa isang mall o sa palengke o sa park o sa kalsada o sa over pass o sa underpass o sa kahit sang lupalop pa yan, tapos ang saya-saya niyong nagkwekwentuhan. Tawa pa kayo ng tawa. Tuluy-tuloy ka lang sa pagsasalita pero nung hinihintay mo na ang reaksyon niya sa sinabi mo at nung wala ka ng marinig, nilingon mo na siya. At yun, muka ng isang babaeng hindi mo kilala at hindi mo maintindihan ang reaksyon kung nagulat o nagtataray. Nagpatay malisya ka nalang tapos pagtingin mo sa likod, andun pala ang loko mong kasama, nakatunganga at nakikiusisa sa kung anu mang bagay na pumukaw ng atensyon niya.

2.  Akala mo dala mo yung wallet mo, yun pala naiwan mo.
  • Ito yung tipo ng maling akala na nakakahiya talaga, lalo na kung wala ka talagang ibang pinaglalagyan ng pera mo kundi ang wallet mo at lalo na kung nasa bus ka o restaurant o convenient store o sari-sari store at nakain mo na yung binili mo. At ang masakit dito, mapagkakamalan ka pang miyembro ng mga taong may ganitong modus. Ikaw ang biktima, pero salarin ka sa paningin ng iba.

3.  Akala mo mamamatay ka na, pero hindi pa naman.
  • Ito yung maling akala na madalas madama sa twing nasa bingit ka ng kamatayan. Nangyayari ‘to kapag hindi mo ginamit yung overpass at tumawid ka sa hi-way tapos nakita mo, may kotseng paparating na hindi mo maisip kung saan galing, bigla nalang sumulpot. At sa hindi malamang dahilan e napako ang paa mo sa aspalto, yung tipong hindi makakilos, marahil dahil sa gulat at takot. Tapos naisip mo nalang, “ok, katapusan ko na.” Pero nagkamali ka, kasi biglang huminto ang kotse at nakatikim ka ng malutong na mura sa driver. Nakakahiya, pero atleast naman ligtas ka. Hindi lang sa kalsada madalas nangyayari ang ganitong maling akala, maaaring naranasan mo ‘to sa pool, sa dagat, sa eroplano, sa bus o sa kahit saang lugar na maaaring kahantungan ng huling sandali mo sa mundo. Kung sa bagay, ba’t ka nga ba hindi mag-aakala ng ganitong bagay, e hindi mo naman hawak ang ‘yong buhay.

4.  Akala mo nawawala ang cellphone mo, bulag ka lang pala.
  • Ito ang madalas maranasan ng mga taong wala sa sarili nila, makakalimutin, ulyanin at kung anu pa man ang gusto mong itawag sakanila. Ito yung nagpapanic ka na. Halos masira na ang bag mo sa kakahalungkat pero wala kang cellphone na makapa. At inanunsyo mo na sa mga kasama mo na nawawala ang cellphone mo. Sabi nung isa, “Hanapin mo lang, baka na-missplace mo”, yung isa naman, “Saan mo ba iniwan?”. Umabot pa sa puntong may pinagbibintangan ka na sa isip mo  kung sinong maaring kumuha ng cellphone mo, tapos maya-maya pagtingin mo ulit sa bag iyong bag, nandun pala sa kasuluksukan kaya hindi mo nakapa agad, o di kaya nandun lang pala sa isang lugar na pinagpatungan mo kanina. Pahiya ka tuloy konti, bukas bawi. Hindi lang limitado sa cellphone ang bagay na maaring akalain mong nawawala, pwede ring wallet o kahit anu pang mahahalagang bagay. Pero ayos rin lang naman mapahiya, ang mahalaga, hindi talaga ‘to nawawala.

5.  Akala mo tama ang spelling mo, mali pala.
  • Dito ako hindi sigurado kung naranasan niyo na, o ako lang ang tatanga-tanga na hanggang sa edad ko ngayun e may nadidiskobre pa kong mga bagay na akala kong tama yun pala mali. Madalas to sa spelling, grammar at kahulugan ng salita. Yung tipong alam na alam mong yun ang tama, tapos may magkokorek ng mali mong spelling o grammar o kahulugan ng salita. At dahil napatunayan mong mali ka nga, wala ka nalang ibang nagawa kundi tanggapin ang pagkapahiya at tumawa. Kasi nakakatawa naman talaga at nararapat na tanggapin nalang ang pagtama. Kasama talaga yun sa buhay. Saka kanya-kanyang katangahan lang tayo, walang husgahan, maling akala nga e.

6.  Akala mo maaga pa, yun pala tumigil ang relo mo.
  • Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit minsan badtrip ang araw ng isang emplaeyado o estudyante. Ikaw ba naman ang magmabagal pa sa kilos at maging kampante sa pag-aakalang hindi ka naman male-late, ayon sa orasan mo sa kamay. Pero mapapaisip ka sa pangalawang beses na pagsilip mo sa oras. Kasi nga naman, kahit nakalipas na ang mahabang mga minuto bakit parang ang aga parin? Dito ka na nagtaka at pinagmasdan maigi ang relo. At ayun nga, tumigil ang pinagkakatiwalaan mong orasan. Nang tanungin mo ang isang estrangherong malapit sayo kung anong oras na, napamura ka nalang sa isip. Oo, mahigit limang minuto ka ng late at medyo malayo ka pa sa destinasyon mo.

7.  Akala mo tama ang nasakyan mo, pero maliligaw ka na pala.
  • Ito yung hindi mo kabisado ang isang lugar pero dahil sa tawag ng pagkakataon e kinailangan mong byumahe mag-isa papunta sa lugar na wala kang muwang. Ayos naman sana ang lahat, pero ikaw kasi ang sumubok ng ibang ruta. Nagmagaling. Akala mo kasi lahat ng sasakyan e dadaan sa rutang nais mong puntahan. Pero nung napansin mong may mali na sa mga daang dapat ay madadaanan ng sinasakyan mo, dito ka nagtanong sa driver. Ayun, pumara ang dyip at bumaba ka, kasi mali ang sinakyan mo. O ngayon alam mo na, atleast hindi mo na masasakyan ang maling ruta.

8.  Akala mo tinitingnan ka nung katabi mo sa bus, yun pala sa bintana nakatingin.
  • Ito yung asiwang-asiwa ka, kasi ba naman yung katabi mo, walang tigil sa pagsulyap-sulyap sayo. Akala niya siguro hindi mo namamalayan, pero kitang-kita ng peripheral vision mo, tingin siya ng tingin sayo. Ipinakita mong naiirita ka na, kaya sa bawat pag lingon niya, nililingon mo na rin siya at sya namang lipat ng tingin niya sa ibang direksyon. Nung sa wakas ay nahuli mo siya, nakatingin naman siya sa bintana. Tumingin siya ulit, tiningnan mo siya, sa bintana ulit siya nakatingin. Sayang at hindi mo mahuli. Nung tumingin siya ulit, tiningnan mo din, at sa bintana pa rin siya nakatingin. Mga pitong beses siguro nagpa-ulit-ulit ang ganung scenario niyo bago pumasok sa isip mo na mali pala ang akala mo. Hindi ka niya tinitingnan. Yung tanawin sa labas ng bintana ang pinagmamasadan niya. Ikaw pa tuluy ang nagmukang wirdo sa kakatingin sakanya.

9.  Akala mo pinupormahan ka, hindi pala ikaw ang type.
  • Ito ang maling akala na pinaka masakit sa lahat. Kasi ba naman merong isang taong gumagawa ng paraan para mapalapit sayo. Interesado sa mga gusto mo. Interesadong makilala ka ng lubos. Humaba tuloy yung buhok mo. Idagdag pa na ipinapakita niyang espesyal ka sakanya, kaya eto ka kilig-kiligan sa taong pumuporma sayo. Todo kwento ka pa sa mga kaibigan mo, sabi mo may crush ka tapos may crush din siya sayo. Dumating pa sa puntong nakilala na siya ng mga kaibigan mo. Tapos sabi nila, “oo nga, may gusto rin siya sayo”, sabi ng isip mo, “alam ko”. Pero may isang pagkakataon na nagpatunay sayo na nagugunaw nga ang mundo. Ito yung noong ipinakilala niya sayo yung babaeng mahal niya. Nagunaw ang mundo mo. Sino ba namang magaakalang may mahal pala siya, e samantalang sayo lagi nakapokus ang atensyon niya, o akala mo lang pala. Masakit. Pero yun ang katotohanan sa mali mong akala.

10.  Akala mo maganda o gwapo ka, pero nakakatawa ka.
  • Ito ang maling akala na mahirap ipamukang maling akala pala at ito ang maling akala na sobrang nakakatawa para sa ibang tao. Kasi feel na feel niyang ang gandang nilalang niya, pero alam naman ng lahat ng may mata na maaaring nag-iilusyon lang siya. Kung magkwento ng mga taong di umano’y may gusto sakanya akala mo e kung sinong artistahin ang pagmumuka. At kung magkwento ng mga pangyayari sa buhay niya, talaga namang ang gandang nilalang niya. Sa mga gantong maling akala, dapat talaga tawanan nalang.

Maling akala. Siguro nga kasama rin talaga yan sa buhay. Ang mahalaga sa bawat maling akala, nalalaman nating mali ang ating akala. Edi kahit papanu ay naitatama at natututo tayo.

Maling Akala. Nakakatawa, at kung minsan, masakit din. Pero tawanan nalang natin.