Mahal kita.
By: Shella Salud
Hindi ang pag-iwas o ang pag-layo ang basehan ng nadarama ng isang tao. Minsan, kahit lumalayo siya, gusto ka pala niya. Minsan naman lapit ng lapit sayo, pero wala naman talagang ibig-sabihin yun. E paanu? Saan mababase ang tunay na nadarama sa iyo ng isang tao? Sa salita ba? Kapag sinabi bang daretyahan, paniniwalaan na natin ‘to? Sa kilos ba? Yung tipong kapag gumagawa siya ng mga bagay para sa iyo? Hindi rin e, kasi maari naman may masabi ang isang tao dahil lang sa dikta ng pagkakataon at ‘di dahil yun ang tunay niyang nadarama. Hindi rin porket ginagawan ka ng mga bagay e dapat isipin mo ng may nararamdaman siya para sa iyo. Oo malabo, kasi hindi sa mga bagay na yun masusukat ang tunay nating nadarama.
Kung naranasan mo ng magmahal ng lihim, naiintindihan mo ang ibig kong sabihin. Kung nasaktan ka na dahil sa pag-ibig, mauunawaan mo ang gusto kong ipaliwanag. Kung nagmahal ka na, magkakasundo tayo ng ideya. Kasi ang totoo, walang basehan para sa tunay na nararamdaman sa iyo ng tao. Ang lahat ay nakasalalay sayo kung paano mo paniniwalaan ang nadarama niya.
Magkakaiba ang tao. Magkakaiba ng paraan kung paanu ipahayag ang sarili. Pero lahat marunong umibig. Yun nga lang magkakaiba ng personalidad. Kaya iba-iba ang pamamaraan. Kaya nagugulo ang sinasabi nilang basehan, na sa totoo lang naman, ay wala talagang basehan. Kanya-kanyang deskarte lang, at kanya-kanyang pagtanggap lang ng paniniwala. Kanya-kanya pagpili ng ilusyon o katotohanan.
Yun na siguro yung dahilan kung bakit magulo ang pag-iibigan at kung bakit may di pagkakaunawaan, kasi nga iba-iba tayo ng basehan. Yun na din siguro ang dahilan kung bakit kahit mahal niyo ang isa’t-isa e pinili niyo pa ring maghiwalay, kasi hindi mo maramdamang mahal ka niya kahit paulit-ulit niya pa ‘tong sabihin at kahit totoong mahal ka naman talaga niya. Pinagdudahan mo ang nadarama niya dahil hindi mo maramdaman ang pinagbabasehan mo ng salitang ‘mahal’. Ang totoo lang naman nun, magkaiba kayo ng paraan pero mahal niyo talaga ang isa’t isa.
Minsan naman hindi mo maamin ang tunay mong nadarama kasi sa tingin mo wala siyang gusto sayo. Lagi niyang iniiba ang usapan sa twing sinusubukan mong ipahayag ang nadarama mo. Kung minsan naman, waring iniiwasan ka niya. At dahil nga ganun ang ikinikilos niya sa iyo, ipinasya mo nalang na ilihim ang nadarama mo at ipag-sa-walang bahala nalang ito. Ang ‘di mo lang alam, lihim ka din pala niyang minamahal. Umiiwas siya dahil ayaw niyang mahuli mo na may nadarama siya para sa iyo, malay niya ba kung biro lang ‘yun. Ang hinihintay niya ay ang seryoso mong mga kilos upang makasigurado siyang totoo nga ang iyong nadarama at saka niya lang ipapahayag sayo na ganun din naman ang nadarama niya. Pero dahil nga ipinag-sa-walang bahala mo nalang sa pag-aakala ng maling akala, hindi natupad ang istorya ng pag-ibig niyong dalawa.
Pero ang masakit sa lahat, yung alam mong mahal ka ng taong mahal mo. Yung lahat ng ebedensya ay nandiyan at nagpapatunay ng nadarama niya. Masaya kang malaman, pero nakuntento ka nalang dun. Kuntento na alam mong mahal ka niya, at di na ginawang iparating din ang tunay mong madarama. Hindi mo ipinahayag na mahal mo din siya. Hanggang sa nagsawa siya. Sinubukan mo siyang pigilan upang manatili sayo. Pero nabulag na siya ng basehan niya at naniwalang wala ka ngang nadarama sakanya, kaya ba’t pa siya mananatili e ayaw na niyang umasa at masaktan. At kahit pa nga sa napipinto niyang paglayo, hindi mo pa rin sinabing mahal mo siya. Pinipigilan mo siya, pero hindi mo naman sinasabi ang salitang tunay na magpipigil sa pag-layo niya. At nung tuluyan na siyang lumayo, sinasabi mong sinaktan niya ang puso mo. Pero ang totoo, ikaw ang nanakit sa sarili mong puso at ikaw ang lubos na nakasakit sa puso niya.
Mahal kita. Sa paanong paraan mo ba gustong ipahayag sayo ang salitang ‘to?