May panibagong yugto nanaman ang kasaysayan ng Pilipinas. Panibagong kasaysayan sa ilalim ng bagong administrasyon. Mga bagong politiko…Bagong pamahalaan at bagong pamunuan…Bagong pag-asa rin bang maitatawag?
Sa Hunyo 30, ibang presidente na ang mamumuno sa Pilipinas, presidenteng ibinoto ng karamihan, ang taong pinagkatiwalaan ng nakararaming Pilipino – si Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.
Malaking paghahanda ang ginagawa ng pulisya para sa inagurasyon ng napipintong presidente. Naging abala sila sa pagbantay ng mga daraanan at sa mismong lugar na pagdarausan – sa Quirino Grandstand.
Marami ang natuwa sa pagtatapos ng termino ni Presidente Gloria Macapagal Arroyo, hindi ko lang alam kung may nalungkot, siguro naman meron kahit papaano dahil aminin man natin o hindi e may nagawa namang mabuti para sa bansa niya ang pangulo. Kita niyo naman at humabol pa ng kung anu-anong proyekto bago matapos ang kanyang termino. Siga na, palakpakan na natin siya kahit dalawang bagsak lang.
At kahit papaano ay nakakabilib pa din ang tikas ng presidenteng ‘to. Biruin mo halos lamunin na siya ng buong-buo ng mga nagpapababa sa kanya at kung anu-anong isyu na ang ibinato sa kanya, matigas pa rin niyang pinandigan na siya ang presidente ng bansang ito, siya ang boss at siya ang may hawak sayo. ‘Di ba ang tigas!
Dahil sa mga naransan natin sa ilalim ng pamamahala ni Gloria, napapaisip tuloy ako kung anu namang mga bagay-bagay ang mararanasan natin sa ilalim ng administrasyon ng presidenteng ibinoto “NINYO.”
Ano nga kayang hatid ng pamahalaang Aquino? Pag-asa o paglala?
Ano pa nga bang magagawa natin kundi subaybayan na lamang ang bagong yugto ng kasaysayan ng Pilipinas, kesa naman gumastos ka pa para magpahula kay Madam Auring o sa mga manghuhula sa Quiapo para lang malaman ang kinabukasn ng Pilipinas sa ilalim ng pamumuno ni Aquino, abangan mo na lang.
At kesa pagtuunan natin ng pansin at punahin ang mga magiging pagkakamali ni Aquino sa hinaharap, ba’t di nalang natin ipanalangin na gabayan siya ng Diyos sa mga bawat hakbang at desisyon na gagawin niya para sa bansa. At tandaan natin na kahit presidente pa siya, tao pa din siya na hindi perpekto at nagkakamali.
Hindi ako pro-Noynoy, pero hindi ibig sabihin nun ay hindi ko siya susuportahan ngayong presidente na siya.
Hindi ako pro-Noynoy, pero hindi ibig sabihin nun ay magrarally ako sa Mendiola at ipagsisigawang bumaba na siya sa pwesto.
Hindi ako pro-Noynoy, pero wala akong magagawa kundi igalang siya dahil siya ang nagwaging pangulo ng bansa.
Gayun pa man, dapat din nating isaalang-alang na hindi lang ang bagong pangulo ang may hawak ng kinabukasan ng Pilipinas, kundi ang bawat Pilipino din. Kaya kung gusto nating bumangon ang Pilipinas, umpisahan natin sa ating sarili, tapos isunod ang pamilya. Makikita mo at di magtatagal ay mahahawa rin ang kapit-bahay mo.
At sa aking huling talata, may tanong lang ako sa aking mambabasa…. Sa loob ng siyam na taong pinagsamahan, mamimiss mo ba si Gloria? J